Ano ang lagay ng dating pangulong Duterte sa The Hague, ayon sa ICC

Former president Rodrigo Duterte in his initial appearance before the Pre-trial Chamber I of the International Criminal Court, March 14.

Kamakailang naglabas ang International Criminal Court o ICC ng dokumentong nagdedetalye ng kanilang mga polisiya sa pangangalaga sa mga nasa kanilang kustodiya tulad ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na kumakaharap sa mga kaso ng crimes against humanity kaugnay ng kaniyang naging drug war. Ang pahayag na nilabas ng ICC ay isinulat sa Bisaya at Filipino.

Bakit ito mahalaga: Malaki ang impluwensya ng isyu ng pagkaka-aresto kay Duterte sa mga usaping pulitika sa bansa lalo na’t patuloy umiinit ang tensyon sa pagitan ng kaniyang pamilya at ng administrasyon. 

Ang konteskto: Kasalukuyang  naka-detain ang dating pangulo sa ICC Detention Center sa Scheveningen sa The Hague, Netherlands.  Tumatakbo ito sa ilalim ng Dutch prison system na kilala sa natatangi nitong pagpapahalaga sa karapatang pantao ng mga naka-detain dito.

  • Matatandaang sinalubong si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport ng pulisya upang arestuhin siya sa bisa ng warrant na inilabas ng ICC.
  • Agad dinala ang dating pangulo sa The Hague, sakay ang isang private jet.
  • Mula nang ipinasok si Duterte sa kustodiya ng ICC, nagkalat ang mga maling impormasyon sa social media patungkol sa kaniyang kalagayan mula sa mga tsismis na siya’y umano’y nilalason doon, natagpuang walang malay o di kaya namatay na.

Sa katunayan: Ang ICC Detention Center ang itinalagang pasilidad para sa mga akusado habang dinidinig ang kanilang mga kaso.

  • Ang ICC Detention Center ay ang nangangalaga sa mga indibiduwal na may hinaharap na kaso sa ICC. Hindi ito ang kulungan para sa mga na-sentensyahan na ng naturang korte.
  • Ayon sa opisyal na mandato nito, tinitiyak ng ICC Detention Center ang ligtas, makatao, at maayos na pagtrato sa mga indibidwal na naka-piit doon.
  • Tungkulin din ng piitang ito na pangalagaan ang kalusugan ng isang akusado at bigyan sila ng sapat na supportang pangkalusugan, mental at ispirituwal na naaayon sa kanilang kultura.

Sariwang hangin: Mayroon ding pasilidad ang ICC Detention Center na nagbibigay ng pagkakataon sa mga naka-piit doon na makalanghap ng sariwang hangin, at magkaroon ng libangan at ibang pisikal na gawain. 

  • Regular na sinusuri ang pasilidad na ito upang maisaalang-alang ang kalagayan at kapakanan ng sino mang nasa pangangalaga nito.
  • Sa video na ito (sa wikang Dutch) makikita ang ilan sa mga katangian ng Scheveningen Prison at mga programa nito na naglalayong maibalik kaagad sa pamumuhay sa isang lipunan ang mga naka-detain nito.

Ang bottom line: Kung pagbabasehan ang mandato ng ICC na pinagkasunduan ng mga bansang kasama at lumagda sa Rome statute na nagpapatibay dito, maayos, makatao at mataas ang pamantayan ng pagtrato sa mga indibidwal na naka-detain sa ICC Detention Center. 

  • Sa mata ng ICC,  inosente ang lahat ng akusado  hanggang hindi pa nahahatulang sa korte.

Anong susunod?: Matatandaang ipinagpaliban ng ICC ang pagdinig para sa confirmation of charges Duterte.

  • Noong Nov. 28, ni-reject ng ICC ang hiling ng kampo ni Duterte para sa interim release.
  • Matapos nito, pinutakte ang Facebook page ng ICC ng negatibong comments.  
  • Ayon sa ICC, ang detention standards nito ay patuloy na alinsunod sa pandaigdigang pamantayan ng karapatang pantao, kasama na ang independent oversight mechanisms. Jelly Lustre and Amir Khalil Sioson
<ins class="adsbygoogle" style="display:block" data-ad-client="ca-pub-1535372364357523" data-ad-slot="8956430836" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true"> (adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});

Post a Comment

0 Comments