Nathaniel R. Melican
PressOne.PH
PH Protect Project
PressOnePH Graphic / Nikko Balbedina
Na-“budol” ka na ba na bumili ng isang produkto dahil magaling mag-endorse nito ang iyong paboritong artista? O di kaya’y napakain sa isang restaurant dahil mukhang masarap ang mga litrato ng pagkain sa mga bintana nito?
Kung ang sagot mo sa mga ito ay oo, hindi ka na bago sa pangi-impluwensya na dulot ng advertising.
Pero paano kung mga bansa, propagandista, o mga troll ang nagtatangkang mangumbinsi sa iyo na magbago ng paningin sa mga isyu, tulad ng girian sa West Philippine Sea, o kahit na sa lokal na politika? Dito na papasok ang tinatawag na influence operations. Ano ba ito, at bakit mahalaga itong tutukan? Alamin natin dito.
Ano ang influence operations?
Ayon sa mga mananaliksik, ang influence operations ay mga pagkilos sa pagpapalaganap ng impormasyon na naglalayong manipulahin ang mga opinyon, paningin, at pakikitungo ng publiko sa mga isyu, tao, bansa o anupamang target ng operasyon.
Maaaring maglunsad ng influence operation ang mga bansa o di kaya’y mga pribadong grupo at organisasyon, o mga taong may interes sa mga isyu.
Madalas, ang mga gawain ng mga aktor sa kanilang influence operations ay hindi ilegal, kaya mahirap itong kilatisin at parusahan. Ang gawaing influence operations ay iba sa interference, o ang tahasang pakikialam ng isang aktor sa isang isyu.
May mga batas ang Pilipinas upang maparusahan ang interference at lalo na ang foreign interference (ang sadyang pangingialam ng mga dayuhan sa gawain ng gobyerno), nguni’t wala pang batas na naglalatag ng depinisyon sa influence operations, at lalong wala pang batas na nagpaparusa dito.
Ano ang mga istratehiyang ginagamit sa influence operations?
Madalas ay nakakakita tayo ng maling impormasyon, o ‘yung “fake news” sa internet. Maaaring isa ito sa mga gamit ng influence operators.
Pag sinabi nating “fake news,” nahahati talaga ito sa tatlo. Una ang misinformation, kung saan sadyang mali ang impormasyong pinapakalat, ngunit walang masamang layunin ang nagpapakalat nito.
Ang disinformation naman ay tahasang panloloko o pagmamanipula ng mga tao gamit ang maling impormasyon.
Ang panghuli ang malinformation, kung saan maaaring sadyang tamang impormasyon ang ipinakalat, ngunit walang konteksto ito at sadyang ipinakalat upang manloko at mag-manipula ng mga tao. Isang halimbawa nito ay ang pag-edit ng video upang magmukhang may ibang sinasabi ang tao na nasa video.
Mahalagang tandaan na maaaring kasama sa influence operation ang mga opinyon o kuro-kuro lamang. Halimbawa, makikisakay ang isang social media account sa isang tunay na balita, at magbibigay siya ng opinyon na akma sa influence operation na kinabibilangan niya. Kabilang na dito ang pagpukaw ng emosyon ng mga tao tungkol sa isang isyu.
Para mabilis na ipakalat ang mga ito, maaaring gumamit ng sadyang mapanloko o patagong paraan ang mga nasa likod ng influence operations. Ilan sa mga hakbang na ito ay ang paggamit ng mga trolls at influencers. May mga pagkakataon na sabay-sabay magpo-post ng update ang iba’t ibang accounts, mula sa influencer hanggang sa mga accounts na kontrolado ng mga troll farms.
Maaari ring i-target ng mga influence operators ang iba’t ibang grupo ng tao gaya ng mga may pinag-aralan, mga maybahay, mga bata, mga senior citizen, at iba pa, upang magpadala ng mensaheng mas uukol sa mga ito.
Kailangan tandaan na planado ang galaw ng mga aktor na nagpapakilos ng influence operations, at maaari nilang gamitin ang anumang kombinasyon ng mga hakbang upang maimpluwensyahan ang mga isipan ng publiko.
Bakit mahalagang bantayan ang influence operations?
Ayon sa mga eksperto, marami nang mga bansa ang may kaalaman at kakayahang teknikal upang magsagawa ng influence operations. Ilan sa mga ito ang Russia, China, at Iran. Ang disinformation at malinformation na pinapakalat ng Russia sa pagsalakay nito sa Ukraine ay isang halimbawa ng influence operation.
Mayroon ding mga pribadong organisasyon na may kakayahang teknikal na pwede nilang paupahan upang magawa ang isang influence operation.
Mahalagang tutukan at siyasatin ang mga hinihinalang influence operations dahil sa pangunahing layunin nito: ang baguhin at manipulahin ang pag-iisip ng tao sa di-tahasang paraan.
Malaki ang implikasyon nito sa demokrasya. Hindi man ito tahasang pakikialam sa mga gawain ng gobyerno at ng bansa, maaaring maapektuhan ng influence operations ang demokratikong mga proseso, tulad ng eleksyon at referendum.
Ngunit minsan, ang pagbabago lamang ng opinyon ng publiko sa isang isyu ay sapat na para sa mga influence operator.
This report was made possible by an Internews project to build the capacity of news organizations in understanding disinformation and influence operations in the Philippines.
The post Alamin: Ano nga ba ang influence operations? appeared first on #PressOnePH.
0 Comments